Pinangunahan ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno ang selebrasyon ng Grand Parents’ Day kasabay ng Elderly Filipino Week, kung saan higit 300 senior citizens ang nagtipun-tipon sa bayan ng Mangaldan.
Ang aktibidad, na may temang “Senior Citizens – Building the National, Inspiring Generations,” ay naglalayong kilalanin ang mahalagang papel ng mga nakatatanda sa lipunan.
Ayon kay Rowena de Guzman mula sa Municipal Social Welfare and Development Office, ang pagdiriwang ay sinimulan ni FESCAM President Ruben Reside, na nagbigay ng mensahe tungkol sa pagkakaroon ng mabuting pamumuhay. Ipinahayag din niya ang benepisyo mula sa Republic Act 11982 na magsisimula sa 2025 para sa mga octogenarians at nonagenarians.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 13,000 senior citizens ang nakarehistro sa naturang bayan habang ang mga hindi pa rehistrado ay hinihimok na pumunta sa Senior Citizens’ Building mula Lunes hanggang Biyernes.
Nagpasalamat naman si Mayor Bona sa mga nakakatanda at nagbigay ng mensahe ng pagkakaisa at serbisyo para sa bayan.