DAGUPAN CITY- Pasok na sa quarterfinals ng Lexus Eastbourne Open sa Great Britain ang Filipina tennis star na si Alex Eala matapos magwagi kontra World No. 20 Jelena Ostapenko, na nag-retire sa third set dahil sa injury.

Natapos ang laban sa score na 0-6, 6-2, 3-2.

Bagamat dominanteng nagsimula si Ostapenko, na hindi pinayagang makapuntos si Eala sa unang set, nagbago ang ihip ng hangin sa second set.

--Ads--

Nakahanap ng momentum ang 20-anyos na Pinay at tuluyang naitabla ang laban sa pamamagitan ng isang solidong 6-2 win.
Sa deciding third set, bumida si Eala sa 3-1 lead.

Bagamat naipanalo pa ni Ostapenko ang isang game, hindi na ito nakabalik matapos maramdaman ang injury, kaya’t napilitang itigil ang laban makalipas ang 1 oras at 37 minuto.

Ito na ang ikalawang panalo ni Eala kontra kay Ostapenko, matapos siyang talunin sa Miami Open.

Si Eala, kasalukuyang World No. 74 at produkto ng Rafa Nadal Academy, ay maghihintay ngayon ng makakatunggali sa pagitan nina Dayana Yastremska at Francesca Jones para sa semifinals.