DAGUPAN CITY- Nag-uwi ng Silver ang Pilipinas matapos mabigong matalo ng pambato ng bansa na si Alex Eala ang kaniyang katunggali na si Maya Joint ng Australia sa finals ng 2025 Eastbourne Open.
Matapos dominahin ni Eala ang ikalawang set sa iskor na 6-1, bumawi si Joint sa ikatlong set kung saan naging dikit ang laban.
Nanguna si Eala sa 2-1, subalit nakabalik ang Australian at nalamangan siya ng 4-2.
Sa kabila nito, muling lumaban ang Filipina at naitabla ang laban sa 4-all.
Nagpakawala si Eala ng matitinding serves at nagkaroon ng 5-4 na kalamangan matapos ang apat na sunod na puntos.
Hindi rin nagpatalo si Joint at muling nakahabol, hanggang sa umabot ang laban sa 6-all at napunta sa tie-break.
Sa tie-break, umabante si Eala sa 5-2 at dalawang puntos na lang ang kailangan para masungkit ang kampeonato.
Si Eala ang kauna-unahang Pilipinong umabot sa Finals ng prestihiyosong torneo.
Hindi pa rito nagtatapos ang laban ni Eala, dahil maghahanda na siya para sa kanyang kampanya sa Wimbledon kung saan makakaharap niya agad ang defending champion na si Barbora Krejcikova.