Humahakot ngayon ng atensyon ang Filipino tennis star na si Alex Eala sa labas ng tennis court matapos rumampa at ipamalas ang kaniyang estilo sa New York Fashion Week.
Matapos ang kaniyang laban sa US Open, naging busy ang iskedyul ng atletang Filipina sa New York kung saan naging bisita rin siya sa sikat na programa doon.
Naging kinatawan ng bansa si Eala sa Spring/Summer 2027 show, na kaniyang ikatlong major fashion show sa nasabing kaganapan matapos magpakita sa mga presentation ng ilan pang aktibidad.
Naupo si Eala sa front row ng show katabi ang ilang kilalang international personalities tulad ng actress na si Sadie Sink, ang mang-aawit na si Rosalía, at si Jungkook na miyembro ng sikat na K-pop group na BTS.
Bago ito, umagaw rin ng pansin si Eala sa Museum of Modern Art sculpture garden kung saan nagsuot ito ng isang sleek at klasikong itim na damit.
Inumpisahan ng tennis star ang kaniyang pagdalo sa New York Fashion Week kamakaialn bilang isang athlete guest, kung saan nakatabi naman niya sa unahan si Anna Wintour, ang Hollywood actress na si Amanda Seyfried, at ang singer na si Lauryn Hill.
Inamin ni Eala na labis siyang na-excite at kinabahan sa kaniyang kauna-unahang Fashion Week, habang ibinahagi ring parehong paraan ang palakasan at moda upang maipahayag ng isang tao ang kaniyang sarili at personalidad.
Pagkatapos ng kaniyang mga nakatakdang kaganapan sa New York, muling ibabalik ni Eala ang kaniyang focus sa paglalaro ng tennis para sa Singapore Open at sa darating na Asian Games sa Nagoya, Japan.










