Patuloy ang pagdagsa ng mga turista sa Alaminos City ngayong holiday season.
Ayon kay Mike Sison, Tourism Officer ng lungsod, ayon sa rekord ng tanggapan ng turismo, araw-araw ay higit sa 2,000 turista ang bumibisita sa lungsod.
Base sa datos, nalampasan na ng Alaminos City ang kanilang target na 300,000 tourist arrivals, kung saan as of December 22, umabot na sa higit 348,000 ang kabuuang bilang ng mga turista.
Bagamat naapektuhan ng mga nagdaang bagyo, bumabalik ang mga turista dahil sa ganda ng Hundred Islands, mga water sports activities, at iba pa.
Pinuri rin niya ang mga tour guides at iba pang stakeholders sa mabilis na pag-aasikaso sa mga bisita.
Mabilis naman ang proseso ng registration at patuloy ang pagpapaayos ng serbisyo para sa mas maayos na karanasan ng mga turista.
Ayon sa plano, sa first quarter ng 2026, magkakaroon ng online booking system upang mas mapadali ang pagbisita sa Alaminos.
Sa kasalukuyan, maayos naman ang daloy ng trapiko sa bayan, at karamihan ng dumadagsang turista ay sa western part at sa mga beach areas.
Mayroon ding Oplan Pasko na ipinapatupad sa mga pangunahing isla at beach, kung saan nagtutulungan ang CDRRMO, CHO, PNP, Coast Guard, at iba pang ahensya.
Ani Sison, may naka-assign na medical team sa bawat station para sa agarang tulong sa mga nahihilo o nangangailangan ng medikal na assistance, at handa rin ang mga ambulansiya.
Pinaalalahanan din ng Tourism Office ang mga transport group na huwag mag-overprice at sundin ang tamang presyo upang mapanatili ang magandang karanasan ng mga turista.










