DAGUPAN CITY- Isang pinto na magbubukas upang maituro ang malalaking smuggler at cartel sa bansa dahil sa panibagong akusasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, ayon sa Bantay Bigas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng nasabing grupo, lalo pang nadagdagan ang isyu ng pamilyang Marcos hinggil kurapsyon matapos akusahan din ni ex-Cong. Zaldy Co si First Lady Liza Araneta Marcos.

Sa akusasyon, nakialam umano ang First Lady upang pigilan ang mga imbestigasyon ng Kongreso hinggil sa pagtaas ng presyo ng sibuyas at bigas nitong mga nakaraang taon, diumano’y upang protektahan ang interes niya at ng kanyang kapatid sa industriya.

--Ads--

Giit ni Estavillo, na hindi nawawala ang pagkakasangkot ng nasa pwesto sa pang-angkat ng bansa na nauuwi sa pansariling interes.

Dahilan kung bakit umiiral ang mga cartels o smugglers at tumataas ang presyo ng mga produktong agrikultura sa pamilihan.

Saad pa niya, nagsimula na rin tumindi ang presyo ng mga sibuyas noong naging kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Pangulong Ferdinand Marcos jr.

Mungkahi ni Estavillo na dapat agad imbestigahan ang mga binunyag ni Co dahil hindi na makatarungan ang pagdami ng mga magsasakang nabibiktima ng kurapsyon at illegal cartel.

Nararapat lamang bumuo muli ng bagong Independent Body na mag-iimbestiga subalit, hindi dapat ang pangulo ang magtatakda ng mga bubuo nito kundi ang mga stakeholders.

Kung tunay ngang may pagkakasangkot ang first family, nararapat lamang na mapanagot din ang mga ito.