Dagupan City – Isa sa nakikitang dahilan kung bakit napalitan si dating Senador Chiz Escudero bilang Senate President ay ang aktibong pakikilahok ng Gen Z sa usapin sa senado.

Isa ito sa mga binigyang diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, Constitutional Law expert at political analyst sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.

Aniya, kung titignan din kasi ang sitwasyon, marami na umano ang hindi nasisiyahan sa naging pamumuno ni Escudero, lalo na matapos ang kontrobersyal niyang paggamit ng salitang “forthwith” sa isang pahayag na naging mitsa ng galit ng publiko.

--Ads--

Aniya, isa itong malinaw na senyales ng pagtutol ng mamamayan sa kasalukuyang pamamalakad sa Senado.

Dito na binigyang-diin ni Yusingco na mahalagang paalala ito sa mga opisyal ng pamahalaan na walang sinuman ang permanente sa posisyon.

Gaya na lamang ng dating malapit sa media at tinaguriang darling of the press na si Escudero, ngunit sa kasalukuyan ay nawalan na ito ng suporta at may posibilidad pang maharap sa mga kaso, dahil sa umano’y pagkakaugnay sa tinatawag na pork barrel cartel.

Dagdag pa rito, isa sa mga tumatak sa pamumuno ni Escudero bilang Senate President ay ang diumano’y pagpapalibing ng isang impeachment case, kahit pa malinaw ang mandato ng Saligang Batas ukol dito.

Ang hakbang na ito ay nagdulot naman aniya ng dagdag na pagdududa sa kaniyang liderato at naging bahagi ng dahilan ng kanyang pagbaba sa puwesto.

Sa pagbabalik ni Sotto sa liderato ng Senado, ani Yusingco na umaasa ang marami na muling magkakaroon ng mas matatag at makataong pamumuno sa mataas na kapulungan ng Kongreso.

Matatandaan na pormal nang naupo si Senador Vicente “Tito” Sotto III bilang bagong Senate President.