DAGUPAN CITY — Nagpahayag ng pagsuporta ang Federation of Free Farmers sa kampanya ng Kagawaran ng Pagsasaka sa ilalim ng pangangasiwa ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. at sa liderato ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na masampulan ang mga sangkot sa agricultural smuggling.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, na umaasa ang kanilang pederasyon na maisasakatuparan kaagad ng ahensya ang paghahabol sa mga nasasangkot sa economic sabotage at masampahan ang mga ito ng kaukulang kaso.


Binigyang-diin ni Montemayor na ito ay makakatulong ng malaki sa pagbabawas ng mga naitatalang kaso ng agricultural smuggling sa bansa, subalit sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nasasangkot sa ganitong aktibidad ay kinakailangan ang pagkakaroon ng matibay na ebidensya.

--Ads--


Aniya na marami nang pagkakataon sa nakaraan kung saan nagsasampa ng kaso ang pamahalaan laban sa mga agricultural smugglers, subalit mahina naman ang ebidensya o ‘di naman kaya ay mahina din ang prosekusyon sa hukuman kaya hindi napapanagot ang mga ito sa batas.


Saad nito na sa paghahawak ng mga ganitong kaso ay kinakailangan ng ‘air tight’ na proseso mula sa pagsasampa ng kaso hanggang sa pagpo-prosecute ng Department of Justice sa hukuman at kung masusunod ang ganitong kahigpit na proseso ay naniniwala itong mayroon masesentensyahan at magsisilbi rin itong malaking Truth-in-Sentencing (TIS) Incentive sa mga nagtatangkang ipagpatuloy ang smuggling sa bansa.


Kaugnay nito ay naniniwala naman si Montemayor na mabagal ang sistema ng pagtugon sa suliraning ito sapagkat ang kasalukuyang umiiral na Anti-Agricultural Smuggling Act ay noon pang 2016 na ipinasa at wala man lamang ni isang smuggler ang na-convict, bagamat may mga kasong naisampa, kaya mahalaga na magiging malakas ang magiging efforts ng pamahalaan laban dito sa tulong na rin ng private sector.


Samantala, pinaniniwalaan naman nitong naniniguro ang Kagawaran ng Pagsasaka na mayroong kasapatan ang bansa pagdating sa suplay ng bigas.


Ani Montemayor na base na rin kasi sa mga pahiwatig ng ahensya, lumalabas na sasapat ang suplay ng bigas hanggang sa katapusan ng unang quarter sa susunod na taon, subalit inanunsyo naman mismo ni Secretary Tiu Laurel na inaapura nila ang government-to-government basis na pag-aangkat ng 295,000 metrikong tonelada ng bigas mula sa India na kanila namang tinitiyak na makakapasok sa bansa sa darating na Enero.


Maliban pa dito ay inaprubahan na rin ng Kagawaran ang importasyon ng 21,000 metrikong tonelada ng sibuyas na dapat ay makakapasok sa bansa ngayong buwan ng Disyembre upang maiwasang makipagkumpetensya sa magiging ani ng sariling mga magsasaka ng Pilipinas.