Iginiit ni Senadtor Francis “Kiko” Pangilinan na hindi lamang racist at mapanlait ang artificial intelligence (AI)-generated video ng state-owned China Daily na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy, kundi bahagi rin umano ito ng propaganda ng Beijing upang pahinain ang bisa ng 2016 Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea.
Sa isang panayam, sinabi ni Pangilinan na kasabay ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling ay lalo umanong pinaiigting ng China ang pagpapakalat ng maling impormasyon upang kuwestiyunin ang naging desisyon ng international tribunal.
Aniya, patuloy na nagpapakalat ng kasinungalingan ang China kaugnay ng usapin sa West Philippine Sea.
Nauna nang kinondena ni Pangilinan ang naturang AI-generated video at hiniling sa Beijing na agad itong alisin, humingi ng paumanhin sa publiko, at papanagutin ang mga nasa likod ng paggawa nito.
Sa naturang video, makikita ang isang unggoy na nakasuot ng Barong Tagalog na kumakanta sa videoke habang nagbabasa ng umano’y script mula sa Estados Unidos at Japan. Ipinakita rin dito ang karakter na binobomba ng water cannon, na aniya’y malinaw na tumutukoy sa paulit-ulit na paggamit ng China Coast Guard ng water cannon laban sa mga barko at mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin din ni Pangilinan ang kahalagahan ng pagpapalakas ng suporta ng international community sa arbitral ruling, at inihalintulad ang China sa isang bully na kailangang harapin sa pamamagitan ng matibay na alyansa sa ibang bansa.
Noong Hulyo, ginunita ng Pilipinas ang ika-10 anibersaryo ng arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa nine-dash line claim ng China sa halos kabuuan ng West Philippine Sea. Kinilala at sinuportahan na rin ang naturang desisyon ng iba’t ibang bansa kabilang ang Estados Unidos, Japan, Australia, Germany at New Zealand.
Sa kabila ng mga naging batikos ng China sa kanyang mga pahayag at pagbabawal sa kanyang pagpasok sa bansa noong 2023, sinabi ni Pangilinan na hindi siya uurong sa pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.










