Dagupan City – Palalakasin ang sektor ng agrikultura sa bayan ng Binmaley sa tulong ng makabagong teknolohiya mula sa Israel, kasunod ng pagbisita ni Israeli Ambassador Ilan Fluss Kursh sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Binmaley Mayor Pedro “Pete” Merrera III, kilala ang Israel sa moderno at episyenteng teknolohiya sa agrikultura, partikular sa larangan ng irigasyon, crop management, at paggamit ng makabagong pamamaraan sa pagsasaka.
Dahil dito, isa aniya ang Israel sa mga bansang tinitingala at ginagaya ng maraming bansa pagdating sa agrikultura, sa kabila ng limitadong lupang sakahan at mapanghamong klima.
Dagdag pa ng alkalde, napakahalaga para sa Pilipinas na magkaroon ng kaalaman at exposure sa mga teknolohiyang ginagamit ng Israel upang mapataas ang ani, mapababa ang gastos ng mga magsasaka, at mapalakas ang seguridad sa pagkain.
Inaasahan naman na ang ugnayang ito ay magbubukas ng mga programa sa training, technology transfer, at agricultural cooperation na makatutulong sa mga magsasaka ng Binmaley at ng buong lalawigan ng Pangasinan.










