Dagupan City – Bukas pa rin ang Taiwan sa pagtanggap ng Agricultural Scholarships at Job Opportunities para sa mga Filipino Applicants.
Ito ang ibinahagi ni Atty. Silvestre ‘Bebot’ Bello III, Chairman at Resident Representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.
Aniya, nanatiling nakatuon kasi ang Taiwan sa pagbibigay ng oportunidad at slot sa mga Filipino dahil sa kanilang sipag pagdating sa trabaho gaya na lamang ng Caregiving, Farmers, Fisherman, Factory Workers, at pagtuturo.
Kaugnay nito, tumatanggap pa rin aniya ng mga scholars ang agency sa Taiwan ng mga Pilipino na nag-nanais makapag-aral ng Agricultural Technology upang mai-apply ito sa bansa.
Tiniyak naman nito na nasa mabuting kalagayan ang mga Overseas Filipino Worker sa Taiwan at binibigyan sila ng sapat na tulong.
Ibinahagi naman nito na tumaas ng 5% ang teaching salary sa kanila kung kaya’t pumapatak na ang sahod doon ng mga guro sa P112,000 hanggang P133,000.
Nakatakda namang magsagawa ang mga ito ng Job Fair sa bansa partikular na sa Batac, at Ilocos Region kung saan ay nakatakda itong magbukas ng higit sa 2,000 slots.