Prayoridad ng administrasyong Collado at Callejo sa bayan ng Alcala ang pagtutok at pagtulong sa sektor ng agrikultura.
Masasabing ang bayan ng Alcala ay hindi maipagkakaila na isa sa mga agricultural town sa Pangasinan kaya ang ikinabubuhay ng mga residente ay pagsasaka.
Sa naging talumpati ni Mayor-Elect Atty. Manuel Collado sa isinagawang oathtaking of newly elected municipal officials at turn-over ceremonies na ginanap sa Alcala Auditorium at pinangunahan ni 5th district Congressman Ramon “Monching” Guico Jr. bilang administrative officer, binigyang diin nito ang kanyang gagawin sa kanyang administrasyon.
Aniya na pagtutunan nito ng pansin ang pagbibigay ng nararapat na tulong sa mga magsasaka upang mapabuti ang lagay ng sektor ng agrikultura sa kanilang bayan.
Bukod dito, ipagpapatuloy niya ang naging programa at proyekto ng nagdaang administrasyon na kanya ding makakasama ngayong termino gaya ng ipinapatayong Onion Cold storage facility sa barangay Bersamin at ang pinapatayong ospital na papangalanang Alcala Community Hospital.
Samantala, inihayag naman ni Vice Mayor-Elect Jojo Callejo na buo ang suporta nila kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa mga gagawin ng alkalde.
Ipinagmalaki naman nito na sa kanyang pag-upo bilang alkalde ng ilang taon sa nakalipas na termino ay naiangat ang bayan bilang 1st class municipality ngunit inaasahan pa niyang mas magiging maunlad pa ito sa pagkakaisang mabubuo sa grupo nila para sa bagong termino.
Sa kabilang banda, pormal na ding nanumpa ang mga bagong halal na konsehal kung saan ang iba sa kanila ay nagbabalik sa pwesto habang ang ilan ay bago lamang sa larangan sa pulitika.
Isa na dito si Councilor-Elect Janela Love Nartates na kahit wala itong karanasan sa pulitika ngunit naging inspirasyon nito ang mga mamamayan ng Alcala lalo na sa mga bagay na maari pang gawin, baguhin at ayusin sa kanilang bayan.
Saad nito na makakaasa ang mga mamayan ng Alcala sa kanyang naging plataporma gaya ng pagsuporta sa lokal na negosyo, pagtulong sa kabataan, ipalapit sa tao ang gobyerno at palakasin ang mga senior citizens kung saan pangako nito na ang 20% ng sahod niya ay mapupunta sa mga senior citizens.