Wala pa raw planong pumasok muli sa relasyon ang actress-singer na si Maris Racal dahil sa ngayon ay ine-enjoy pa niya ang pagiging mag-isa.
Ayon sa aktres may mga pinagsisisihan siya sa mga nagdaan niyang relasyon, kung kaya’t mas pinipili niya munang maging single ngayon.
Masakit man daw ang kanyang pinagdaanan, ginagawa niya itong motibasyon para magpatuloy at hindi na muling magkamali pa.
Bagamat hindi binanggit ni Maris ang relasyong pinagsisisihan niya, ay hinihinalang tinutukoy niya ay ang kontrobersiyal na hiwalayan nila ng Rivermaya vocalist na si Rico Blanco.
Napagtanto niyang bagamat masaya, nagmamahalan, at kuntento sila sa isa’t isa, ay dumating sa puntong nagbago ang kanyang gusto at prayoridad at nagdesisyon daw sila ni Rico na tuluyan nang maghiwalay.
Limang buwan lamang makaraang makumpirma ang kanilang hiwalayan, nasangkot naman si Maris sa isang cheating controversy sa pagitan ng noo’y magkarelasyong Anthony Jennings at Jamela Villanueva.
Noong December 3, 2024, sumambulat sa social media ang nakakabulabog na Instagram posts ng ex-girlfriend ni Anthony na si Jamela matapos niyang matuklasan na mayroong lihim na relasyon sina Anthony at Maris.
Naglabas pa si Jamela ng screenshots ng palitan ng private messages nina Anthony at Maris, kabilang na rito ang ilang maseselang usapan nila.
Pinaratangan sina Maris at Anthony ng cheating o panloloko habang may kanya-kanya pa silang karelasyon.
Matapos nito ay magkasunod na nag public apology ang dalawa kung saan ay inako nila ang kanilang pagkakamali at humingi ng tawad sa mga taong nadamay at nasaktan, lalo’t higit kay Jamela.
Sa ngayon ay nage-enjoy pa si Maris sa pagiging mag-isa.