DAGUPAN CITY- Magandang bagay para sa Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) ang isasagawang imbestigasyon sa umiiral na payola ng mga tiwaling tauhan ng Land Transportation Office (LTO).

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, Presidente ng ACTO, matagal nang nangyayari ang pangongotong ng iilang mga tiwaling tauhan ng LTO at maging sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)

Aniya, kadalasan ito nangyayari sa mga terminal ng mga transport sector o di naman sa tuwing nanghuhuli sila.

--Ads--

Nagtitiwala naman si De Luna sa gagawing imbestigasyon ng Department of Transportation (DOTr) upang mahuli ang mga nasabing tiwaling tauhan.

Sang-ayon rin siya na sibakin sa pwesto ang mga mahuhuling tiwali upang matuldukan na ang problemang ito.

Sa kabilang dako, wala pang napag-uusapan ang ACTO sa pagsasagawa ng ‘Transport Strike’ bilang pakikiisa sa isasagawa ng Manibela upang kalampagin ang mga malalabong pangako ng gobyerno sa transport sector.

Aniya, tanging panawagan lamang nila ay ang tuloy-tuloy na consolidation sapagkat handang-handa silang makiisa sa modernisasyon ng mga pampublikong jeepney.

Giit ni De Luna, hindi lamang nila maintindihan kung bakit hanggang sa ngayon ay tutol ang Manibela sa consolidation ng Public Transport Modernization Program (PTMP).

At sa tuwing mananawagan ng extension ng consolidation ay magsasagawa naman ng transport strike.

Panawagan ni De Luna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr, sa senado, at kongreso na putulin na ang ibinigay na extension upang makausad na ang programa.

Malaki naman ang kaniyang pasasalamat sa mga mambabatas sa pagtaas ng kanilang sabsidiya.