Dagupan City – Nanawagan ang Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT) na pag-aralang mabuti ang panukalang total ban sa paggamit ng cellphone sa mga paaralan bago ito tuluyang ipatupad.

Ayon kay Arlene James Pagaduan, presidente ng ASSERT, kinikilala ng kanilang organisasyon ang layunin ng mga hakbang na mabawasan ang distraksiyon sa loob ng paaralan, kabilang ang pagbabawal sa mga mobile games.

Gayunman, iginiit niyang kinakailangan ang masusing pag-aaral upang matiyak na hindi maaapektuhan ang paggamit ng teknolohiya para sa edukasyon.

--Ads--

Aniya, malaking tulong ang cellphone sa komunikasyon at sa pag-access ng mga materyales na pang-edukasyon. Sa halip na ganap na ipagbawal ang paggamit nito, iminungkahi niyang magpatupad ng malinaw na polisiya, tulad ng pagtatakda ng oras ng paggamit at paghingi ng pahintulot ng guro kapag ito ay para sa educational purposes.

Ang pahayag ni Pagaduan ay kasunod ng pagpapatupad ng bayan ng Dumanjug, Cebu ng total ban sa mobile phones sa loob ng mga paaralan simula Hunyo 29, 2026.

Binigyang-diin din ni Pagaduan na hindi dapat ituring na magkalaban ang cellphone at edukasyon. Aniya, ang tamang disiplina at responsableng paggamit ng teknolohiya ang dapat pagtuunan ng pansin.

Ipinahayag din niya ang pagkabahala sa sunod-sunod na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng ilang kabataan. Aniya, mahalagang matukoy ang tunay na ugat ng mga problemang ito sa halip na ituon lamang ang pansin sa paggamit ng mga gadget.

Ayon pa kay Pagaduan, noong mga nakalipas na panahon ay hindi gaanong naitatala ang ganitong uri ng karumal-dumal na krimen, kaya’t mahalagang paigtingin ang paggabay sa asal at pag-uugali ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga guidance counselor, guro, at mga magulang.

Nanawagan din siya ng malinaw na mga hangganan sa pagpapatupad ng disiplina sa loob ng paaralan upang maging gabay ng mga guro sa kanilang pagdidisiplina sa mga estudyante.

Samantala, kinuwestiyon din ni Pagaduan ang planong pag-aralan ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na gawing mandatory ang pagsasagawa ng bag inspections sa mga paaralan bilang bahagi ng pagpapalakas ng seguridad. Aniya, dapat ding malinaw kung hanggang kailan ipatutupad ang ganitong hakbang at kung paano mapangangalagaan ang karapatan ng mga mag-aaral.

Sa hiwalay na pahayag, hinikayat naman ng Philippine National Police (PNP) ang mga paaralan na makipag-ugnayan muna sa pulisya bago magsagawa ng off-campus activities upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.