Tahasang inihayag ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na bagama’t makakatulong ang panukalang paglalagay ng mga mandatory walkthrough metal detector sa mga paaralan, hindi ito ang pangmatagalang solusyon sa lumalalang karahasan sa loob ng mga eskwelahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ruby Bernardo, binigyang-diin niya na ang hakbang na ito ng Department of Education (DepEd) ay itinuturing lamang na “bare minimum” at pansamantalang tugon na hindi sumasapol sa ugat ng problema.

Binigyang-diin ni Bernardo ang matinding kakulangan sa mga mental health personnel sa bansa. Sa kasalukuyan, ang ratio ay umaabot sa isang guidance counselor para sa bawat 14,300 estudyante. Ibinunyag din niya na sa kabila ng pagkakaroon ng budget para sa 10,000 “school counselor associate” items para sa 2026 budget cycle, nananatiling “zero hiring” pa rin ang DepEd hanggang sa kasalukuyan.

--Ads--

Dahil sa kakulangang ito, ang mga guro na “overcrowded” na ang mga klase ang madalas na unang nakakakita ng mga “red flag” sa mga bata, ngunit hindi nila ito natutugunan nang maayos dahil sa dami ng trabaho at kakulangan sa pasilidad.

Kaugnay ng kamakailang insidente sa Tacloban City kung saan may mga estudyanteng nasawi dahil sa pamamaril, sinabi ni Bernardo na nagdulot ito ng matinding takot sa mga magulang, mag-aaral, at maging sa mga guro. Sa kasalukuyan, nananatiling suspendido ang face-to-face classes sa naturang paaralan upang bigyang-daan ang psychosocial support para sa mga biktima at kanilang mga kaklase.

Bukod sa metal detectors, inireklamo rin ng mga guro at school heads ang epekto ng mahabang pila sa pag-check ng mga bag na umuubos sa oras ng klase o “instructional block” ng mga bata. Marami rin umanong pampublikong paaralan ang wala man lang basic security gaya ng maayos na bakod, gate, o CCTV. Kung mayroon mang CCTV o security guard, kadalasang pondo ito ng Local Government Unit (LGU) o ambagan ng Parents-Teachers Association (PTA) dahil sa liit ng operating expenses na ibinibigay ng DepEd sa mga paaralan.

Bilang paghahanda sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos, nanawagan ang ACT-PH na tuparin ang mga pangako para sa sektor ng edukasyon, kabilang ang, pagpapatupad ng Mental Health Law sa mga paaralan. Pati na rin ang pagbibigay ng sapat na items para sa mga non-teaching personnel at guidance counselors.

Umaasa rin silang matutugunan ang pagpapasa sa Teachers Protection Act. At syempre, ang pagpapataas ng entry-level salary ng mga guro sa P50,000.

Ayon kay Bernardo, kailangang ugatin ang problema sa bullying at karahasan sa halip na magpataw lamang ng mga punitive approach, dahil ang mga ganitong insidente ay repleksyon lamang ng mas malalim na isyu sa lipunan at sistema ng gobyerno.