DAGUPAN CITY — Patuloy pa rin ang panawagan ng ACT Partylist sa salary increase para sa mga guro sa Pilipinas, kasunod ng naitalang 8.1% na pagtaas sa presyo ng mga bilihin noong nakaraang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Represenative France Castro, binigyang-diin nito na malaki at mabigat na ang impact ng pagsipa ng patuloy na umiiral sa inflation rate sa bansa kumpara sa minimum wage na sinasahod ng mga mangangawang Pilipino.

--Ads--

Aniya na bagamat mayroon namang umento sa sahod na natanggap ang mga guro noong nakaraang taon dahil sa Salary Standardization Law 5 Tranch 4, hindi pa rin naman umano ito sasapat upang sabayan ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pangustos sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilyang Pilipino sa iisang araw.

Dagdag ni Castro na ito na rin ang huling pagtaas ng sahod sa mga guro na napakaliit pa rin kung ikukumpara sa tinatawag na Family Living Wage at napakamahal na cost of services na sana ay natatamasa ng mga ordinaryong Pilipino lalo na sa hirap ng buhay ngayon.

Dahil dito aniya ay labis din ang pagtitipid ng mga guro sa kanilang mga gastusin para makaagapay sa kanilang mga pamilya at maitawid ang pang araw-araw nilang pamumuhay, at gayon na rin ang pagtitiis nila kahit pa mayroon silang nararamdamang sakit.

Kaugnay nito ay naghain na sila ng petisyon sa Kamara na House Bill No. 203 na naglalayong itaas ang sahod ng mga guro sa Salary Grade 15 mula sa Salary Grade 11. Habang ikinatuwa naman nila ang pag-uusap nila sa Career Progression Bill, na nanggaling sa Executive Order No. 174 ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan magdaragdag sila ng mga posisyon gaya ng Teacher IV, V, VI, at VII, at gayon na rin ang Master Teacher III, IV, at V, na kung sakaling maisasabatas ay makakatulong naman sa hinaing ng mga guro na madagdagan ang kanilang sahod.

Patuloy naman nilang pinagaaralan ang detalye ng mga guro at rehiyon na hindi pa nakakatanggap ng naipangakong SRI sa kanilang hanay ng gobyerno. Maliban pa rito ay isa rin umano sa patuoy na sinisingil ng mga guro mula sa pamahalaan ay ang Performance-Based Bonus (PBB) na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapamahagi sa kanila at gayon na rin ang 77-day overtime ng mga guro noong panahon ng pandemya na dapat ay babayaran din ng gobyerno sa kanila.

Panawagan naman ni Castro na dapat seryosohin ng gobyerno ang usapin kaugnay nito dahil ang mga karaniwan at manggagawang Pilipino ang labis na naaapektuhan sa walang patid na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.