DAGUPAN CITY–Naniniwala si Act Partylist Representative France Castro na mayroong katotohanan ang ibinunyag ni Sen. Panfilo Lacson kaugnay sa umanoy pagbibigay ng P100 million pork barrel para mga kongresista .

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Castro inihayag nito na matatawag itong illegal dahil hindi ito kasama sa mga proposed budget ng mga kongresista.

Maituturing aniya itong pork barrel dahil naglalagay ng pondo sa isang distrito na hindi pa inaaprubahan ng boung kongreso.

--Ads--
Act Party List Representative France Castro

Giit nito mismong ang Korte Suprema na ang naghayag noon pang 2013 na kapag ito’y post budget allocation ay maituturing na illegal.

Sa katunayan ayon pa kay Castro mayroon din silang nababalitaan noon pa na maging sa Senado ay may natatanggap ding pork barrel.

Kung tutuusin aniya ay mas mataas pa ito na umaabot umano sa P200 million o higit pa.

Matatandaan na inihayag ni Lacson na mismong mga kongresistang tutol sa pork barrel ang nagsabi sa kaniya na may P100 million pork barrel para mga miyembro ng lower House.

Ipapasok daw ito sa individual amendments, ilang araw matapos ipangalandakan na tapos na ang budget deliberation sa Kamara.

Maliban dito, P16 billion daw ang para sa 22 deputy speakers ng lower House.