Dagupan City – Pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang kampanya nito laban sa illiteracy at malnutrisyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ABKD Nakakabasa Program at #GoodbyeGutom Program.
Inilunsad ng lungsod ang “Hamon 80: 20% Tungo sa Ganap na Pagbasa,” isang malawakang inisyatiba na naglalayong mapataas ang kakayahan sa pagbasa ng mga batang Dagupeño bilang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng Dagupan City sa 2027.
Bilang bahagi ng programa, nagsagawa ng dalawang araw na pagsasanay para sa mga guro, school leaders, barangay librarians, at Child Development Center workers upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa makabagong pamamaraan ng pagtuturo sa pagbasa sa ilalim ng ABKD Nakakabasa Program at Science of Reading.
Pinalawak din ang implementasyon ng ABKD Nakakabasa Program sa mga barangay ng Lasip Chico at Pogo Chico sa pamamagitan ng storytelling sessions at pamamahagi ng mga aklat pambata upang higit pang mahikayat ang mga kabataan na mahilig sa pagbabasa.
Kasabay nito, isinagawa rin ang #GoodbyeGutom Program, kung saan binigyan ng masustansyang almusal ang mga bata bago ang reading activities upang mas maging handa sila sa pagkatuto.
Nakiisa sa programa sina Committee on Nutrition Chairperson at Councilor Danee Canto, mga opisyal ng barangay, at mga magulang na hinikayat na maging katuwang sa pagpapaunlad ng kakayahan sa pagbasa ng kanilang mga anak.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Dagupan, layunin ng mga programang ito na matiyak na walang batang Dagupeño ang maiiwan sa pagkatuto at patuloy na mapalakas ang literacy ng kabataan bilang matibay na pundasyon ng kanilang kinabukasan.









