Itinuturing na “top priority” ng mga lokal na awtoridad ang kaso ng pagdukot sa isang sanggol sa bayan ng Lingayen, na sinasabing kauna-unahang kaso ng abduction sa lalawigan ng Pangasinan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pcol. Arbel Mercullo, Provincial Director ng Pangasinan PPO labis nilang ikinalungkot ang nasabing pangyayari at agad itong tinukoy bilang isang “isolated case”.

Ayon sa mga opisyal, nagsagawa na ng case conference kasama ang pamilya ng biktima, mga imbestigador, at iba pang kinauukulan upang mapabilis ang imbestigasyon.

--Ads--

Sa kasalukuyan, puspusan ang isinasagawang close tracing at CCTV tracking upang matukoy ang kinaroroonan ng sanggol.

Ayon sa mga awtoridad, mayroon na silang sinusundang lead, ngunit minabuti nilang huwag munang isapubliko ang impormasyon upang hindi maantala ang operasyon.

Nanawagan naman si Mercullo sa publiko na iwasan ang sisihan, lalo na sa panahong ang pangunahing layunin ay ang ligtas na pagbabalik ng sanggol.

Naglabas din ng mahigpit na panawagan ang pamilya ng biktima, na labis pa rin ang dinaranas na trauma matapos ang insidente.

Ayon sa isa sa mga kaanak, ito ang unang baby boy ng mag-asawa at inaasahang magiging huling anak, dahil nakatakda sanang sumailalim sa ligation (family planning procedure) ang ina matapos manganak.

Samantala, kinumpirma rin ng pamunuan na handa silang magsampa ng mga kasong administratibo at kriminal sa sinumang mapatutunayang may kinalaman sa insidente.

Bagama’t mayroong provincial security, inamin ng ilang opisyal na nagkulang sa pagroronda ang mga guwardya kaya’t hindi agad na-monitor ang pagdukot.

Nanawagan din ang pulisya sa suspek na makonsensya at isoli ang sanggol sa lalong madaling panahon.