Sinabi ni Roberto “Butch” Merrera Jr., Association of Barangay Captains (ABC) President ng Binmaley, na handa siyang tanggapin ang naging desisyon kaugnay ng pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), lalo na kung patuloy na maihahatid ng mga incumbent officials ang kanilang serbisyo sa mga residente.
Ayon kay Merrera, mas mahalaga para sa mga kasalukuyang opisyal na mapatunayan ang kanilang naging serbisyo sa barangay sa pamamagitan ng pagtupad sa mga proyekto at responsibilidad na ipinagkatiwala sa kanila.
Ibinahagi rin niya na dalawang taon na ang nakalipas ay naging bahagi siya ng usapin tungkol sa pagpapaliban ng isang halalan sa ABC sa Binmaley. Sa panahong iyon, nagsampa siya ng restraining order kaugnay ng isyu sa holdover capacity ng mga barangay officials.
Para kay Merrera, kung ipagpapaliban man ang halalan, dapat ding tiyakin na magagamit ng mga kasalukuyang opisyal ang karagdagang panahon para ipagpatuloy ang kanilang mga programa at serbisyo, sa halip na manatili lamang sa posisyon nang walang malinaw na resulta para sa kanilang barangay.
Sa kanyang sariling barangay, kabilang sa mga plano niya ang pagpapatayo ng bagong gusali dahil sa kasalukuyang kalagayan ng lumang pasilidad. Kasabay nito, sinabi niyang ipagpapatuloy niya ang kanyang serbisyo sa mga residente sa araw at gabi.
Kabilang sa kanyang binigyang-diin ang pantay na pamamahagi ng mga benepisyo at ayuda, kabilang ang mga programa tulad ng TUPAD, nang walang diskriminasyon. Patuloy din umano ang pagbibigay ng tulong sa edukasyon at scholarship batay sa kwalipikasyon ng mga benepisyaryo at mga itinakdang requirement ng batas.
Binigyang-diin ni Merrera ang pagpapatuloy ng serbisyo sa komunidad bilang pangunahing tungkulin habang nananatili sa kanilang posisyon ang mga incumbent barangay officials.










