Inihayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura na may mga frozen pork meat na mula sa China ang ibinebenta sa isang pamilihan sa Maynila.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SINAG Chairman Rosendo So, nangangamba ito dahil may mga nakita silang processed food mula sa China na kung matatandaan ay apektado ng African Swine Fever o ASF.
Nagtataka aniya ito kung bakit may nakalusot na pork products na mula sa apektadong bansa at hindi nasuri ng quarantine team.
Ayon kay So, dapat magkaroon muna ng total ban sa pag-aangkat ng karne sa lahat ng bansa dahil 5% lang naman ang total consumption ng mga Pilipino dito. Kung hindi kasi aniya gagawin ang total ban, mas magkakaroon ng problema sa oras na makapasok sa Pilipinas ang virus.
Kahit sa baboy lang aniya makakaapekto ang nasabing virus at hindi apektado ang tao, mapanganib pa rin ito lalo na’t walang bakuna kontra rito.
Mababatid na kabilang sa mga apektado ng ASF ang mga bansang China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova at Belgium. with interview from Bombo Frammy Sabado