Patuloy ang pagsusumikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan na mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mas matibay na kolaborasyon sa pagitan ng mga Rural Health Units (RHU) at mga ospital.

Sa isinagawang Pangasinan Referral Network Collaboration Meeting sa pakikipagtulungan ng PhilHealth at mga iba’t ibang mga ospital sa lalawigan tinalakay ang mga hakbang upang mapaigting ang koordinasyon ng mga pangunahing serbisyong medikal sa Pangasinan.

Sa naging pahayag ni Dr. Ma. Vivian Villar Espino- Acting Provincial Health Officer-PHO Pangasinan isa sa pangunahing layunin ng pagpupulong ay ang pagbuo ng maayos at epektibong ugnayan sa pagitan ng RHU at ospital upang masiguro ang mabilis, maayos, at maagap na serbisyo para sa mga pasyente.

--Ads--

Magtutulungan ang mga ahensya upang maipatupad ang mas magandang serbisyong pangkalusugan na nakatuon sa preventive care at tamang referral system.

Kaugnay nito, ipinagmalaki rin niya ang mga hakbangin ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gov. Ramon V. Guico III, na sumusuporta sa programa sa pamamagitan ng mga insentibo at suporta para sa mga health workers at lokal na pamahalaan.

Sa bagong sistema, mayroong designated municipalities na nakaatas sa bawat ospital, na magpapalalim ng accountability at mas klarong daloy ng referral.

Hindi na tulad ng dati na walang nakatalagang munisipalidad sa bawat ospital, ngayon ay may malinaw nang ugnayan at responsibilidad ang bawat panig.

Tampok din sa bagong modelo ang two-way referral system mula RHU patungong ospital, at pabalik kung kinakailangan na naglalayong magkaroon ng mas maagang pag-diagnose at intervention, na magreresulta sa mas magandang paggamot at pag-iwas sa komplikasyon.

Bukod dito, inaasahan din na ang maayos na referral system ay makatutulong upang hindi na ma-overcrowd ang mga ospital, dahil maaga pa lamang ay nasasala na sa RHU ang mga kasong maaaring doon na lamang gamutin.

Layunin ng inisyatiba na magkaroon ng magandang relasyon at tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng RHU at ospital, tungo sa isang mas matatag, maagap, at episyenteng sistema ng pangangalagang pangkalusugan para sa bawat Pangasinense.