Panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagpatay, wakasan ang karahasang nagdulot ng matinding trauma sa mga pamilya at isulong ang katarungang panlipunan—ito ang tatlong pangunahing panawagan ng mga pamilya ng mga biktima ng madugong kampanya kontra droga.
Ito ang inilahad ni Rubilyn Litao, coordinator ng Rise Up for Life and for Rights, sa isinagawang press conference ng Duterte Panagutin Campaign Network sa The Hague, Netherlands kahapon, kaugnay sa pagsisimula ng paglilitis kay Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Litao, hindi pinili ng mga biktima ang kanilang kahirapan, kundi bunga ito ng sistemang umiiral ang kawalan ng katarungan at karahasan.
Lalo na at karamihan sa mga nasawi sa drug war ay mula sa mahihirap na komunidad sa kalunsuran, kabilang ang mga basurero, construction worker, vendor at iba pang ordinaryong manggagawang nagsisikap buhayin ang kanilang pamilya.
Aniya, marami ang pinaratangang gumagamit o nagtutulak ng droga, habang ang iba ay walang kaugnayan sa ilegal na droga at mga mahihirap lamang na naghahanapbuhay.
Dahil dito nanawagan din siya sa mga organisasyong pangkarapatang pantao, lider ng simbahan at iba pang tagapagtanggol ng karapatang pantao na makiisa sa mga pamilya ng mga biktima at suportahan ang kanilang paghahanap ng hustisya kasabay ng pagsisimula ng makasaysayang paglilitis kay dating Pangulong Duterte sa ICC ngayong araw.








