Nagpakalat ng sasakyang panghimpapawid ang Philippine Coast Guard o PCG noong Nobyembre 28 upang komprontahin ang Chinese research vessel na Tan Suo Er Hao na namataan sa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas, 49 nautical miles hilagang-kanluran ng Burgos, Ilocos Norte.

Ilang beses itong tinawagan sa radyo ng PCG ngunit hindi sumagot, pumasok ang barko sa Philippine EEZ noong Nobyembre 26 matapos magmula sa Sanya, Hainan, China. Mabagal umano itong naglalayag nang pabalik-balik sa kanlurang bahagi ng Ilocos Norte, na nagpapahiwatig ng posibleng pagsasagawa ng survey.

Hindi rin ito ang unang pagkakataong namataan ang naturang barko sa karagatang saklaw ng Pilipinas. Na-monitor na rin ito sa Ilocos Norte noong Mayo 2025, Cagayan noong Disyembre 2025, at malapit sa Philippine Rise at Batanes noong Abril 2026.

--Ads--

Ayon sa PCG, posibleng magamit ang mga survey sa ilalim ng dagat upang matukoy ang lokasyon ng mahahalagang imprastraktura, kabilang ang mga kable sa ilalim ng dagat, na mahalaga sa seguridad ng Pilipinas at ng pandaigdigang komunidad.

Binigyang-diin ng PCG na isinasagawa ang mga operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagtanggol ang soberanya at karapatang pandagat ng bansa at hindi isuko ang anumang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas sa dayuhang kapangyarihan.