Magpapatuloy ang mga aktibidad ng Paskuhan 2026 sa Pangasinan sa pamamagitan ng mga nakalinyang programa sa Capitol Complex at Tawiran Christmas Village sa Casa Real Park para sa mga mamamayan at bisita ng lalawigan.
Ayon kay Maria Luisa Amor-Elduayan, Department Head ng Pangasinan Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), nakatakda ang isa sa mga aktibidad sa Disyembre 13 sa Capitol Complex, habang magsisimula naman sa Disyembre 15 ang nightly Simbang Gabi na tinawag na Aligando Simbang Gabi sa kapitolyo.
Magpapatuloy ang mga misa at Simbang Gabi hanggang Disyembre 25 at Enero 1, bilang bahagi ng pagdiriwang ng kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon.
Samantala, sa Tawiran Christmas Village sa Casa Real Park gaganapin ang iba pang Christmas activities na nakatakdang magkaroon ng iba’t ibang pagtatanghal tuwing Sabado, sa pangunguna ng mga partner department ng pamahalaang panlalawigan.
Kabilang sa mga inihandang aktibidad ang singing competition, dance competition at cosplay show na layong magbigay ng mas masayang karanasan sa mga Pangasinense at mga turistang bibisita sa Christmas Village.
Bukod sa mga Christmas celebration, nakatakda ring lumahok ang Pangasinan Tourism at mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Ranyag ti Amianan tourism and trade fair sa Robinsons Mall, Manila mula Nobyembre 28 hanggang Disyembre 2.
Layunin ng naturang trade fair na suportahan at i-promote ang mga lokal na produkto, turismo at mga negosyo sa Pangasinan at iba pang tourism at trade industry partners sa rehiyon.








