Pinaiigting ng Santa Barbara Police ang pagbabantay sa pagbebenta ng mga paputok bilang bahagi ng paghahanda ng bayan para sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.

Kaugnay nito, may mga itinalagang lugar sa Santa Barbara kung saan pinapayagang magtinda ng mga paputok ang mga vendor. Layunin nitong magkaroon ng mas maayos na pagbebenta at masubaybayan ng mga awtoridad ang mga produktong inilalako sa publiko.

Ayon kay Santa Barbara Police Chief PLTCOL Michael S. Datuin, patuloy nilang imo-monitor ang mga lugar na ito upang matiyak na walang ipinagbabawal na paputok ang maibebenta sa mga mamimili.

--Ads--

Hindi lamang mga lokal na pulis ang inaasahang magsasagawa ng pagbabantay dahil kasama rin sa monitoring ang mga kinauukulang tanggapan ng pulisya sa antas panlalawigan, rehiyonal at pambansa.

Sa ganitong paraan, nais tiyakin ng kapulisan na nasusunod ang mga patakaran sa pagbebenta ng paputok at mabawasan ang posibilidad ng mga insidenteng maaaring idulot ng paggamit ng mga ipinagbabawal na produkto ngayong holiday season.

Sa kabila ng pagkakaroon ng mga itinalagang lugar para sa pagbebenta ng paputok, mahalaga pa rin ang pagsunod ng mga tindero sa mga umiiral na patakaran at ang pakikipagtulungan ng publiko sa mga awtoridad.

Pinaaalalahanan din ang mga mamimili na maging mapanuri sa mga produktong kanilang bibilhin at iwasan ang mga ipinagbabawal na paputok upang hindi malagay sa panganib ang kanilang sarili at ang ibang tao.