Nagpahayag ng kanilang mga pananaw ang iba’t ibang grupo ng kabataan sa Pangasinan hinggil sa mga usaping panlipunan at pampolitika sa bansa, kasabay ng paggunita sa kapanganakan ni Andres Bonifacio bukas Nobyembre 30.

Ayon kay Riki Nuñez, Coordinator ng Kabataan Partylist Pangasinan Chapter, kung si Bonifacio ay nakipaglaban noon sa mga kolonyalistang Espanyol, ang kabataan naman sa kasalukuyan ay patuloy na nakikibaka laban sa mga itinuturing nilang bagong kaaway ng sambayanang Pilipino, kabilang ang imperyalismo ng Estados Unidos.

Binigyang-diin ni Nuñez ang kahalagahan ng paggunita kay Bonifacio dahil sa malaking naiambag nito sa kasaysayan ng bansa sa pamamagitan ng pamumuno sa rebolusyon laban sa mga mananakop.

--Ads--

Samantala, sinabi ni Cee Edejer, kinatawan ng Anakbayan Pangasinan, na isinasabuhay ng kabataan ang mga ipinaglaban ni Bonifacio sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga pagkilos sa lansangan at paggamit ng kanilang boses upang ipahayag ang mga hinaing ng mamamayan.

Ayon naman kay Ellory Fernandez, kinatawan ng Anakbayan Arellano, mahalagang gampanan ng kabataan ang pagiging boses ng taumbayan upang maiparating sa kinauukulan ang kanilang mga hinaing at panawagan.

Kasabay nito, naging bahagi rin ng kanilang mga talakayan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC, gayundin ang iba pang isyung may kinalaman sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.