Hinikayat ng Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) ang mga Pilipino na maging aktibo sa pagpapalakas ng industriya ng bigas sa bansa sa pagdiriwang ng National Rice Awareness Month sa Rizal Park, Maynila.

Ayon kay DA-PhilRice Los Baños Director Rhemilyn Z. Relado-Sevilla, ang seguridad sa pagkain ay hindi lamang nakasalalay sa dami ng ani ng mga magsasaka kundi pati na rin sa responsableng pagkonsumo ng mga mamimili.

Iginiit niya na malaki ang maitutulong ng pag-iwas sa pag-aaksaya ng kanin, pagbili ng lokal na bigas, at pagpili ng mga masustansyang uri nito upang mapanatili ang sapat na suplay sa bansa.

--Ads--

Ipinakilala rin sa programa ang mga alternatibong masustansyang bigas—tulad ng brown, black, red, low-glycemic, at high-zinc rice—sa pangunguna ni OIC Deputy Executive Director Henry Corpuz upang tugunan ang mga isyu sa nutrisyon.

Tampok sa ika-24 na Ceremonial Rice Harvesting ang 300-square-meter Rice Garden kung saan naranasan ng mga mag-aaral at residente sa siyudad ang manual na pag-ani kasama ang iba’t ibang katuwang na ahensya.

Dagdag pa ng ahensya, ang pag-unlad at kasiguruhan sa pagkain ay hindi lamang responsibilidad ng mga magsasaka kundi nakasalalay din sa matalinong paggamit ng bawat mamimili sa bawat butil ng bigas.  | Via Bombo Cindy Grayda