Hirap na hirap na ang mga jeepney at tricycle driver sa patuloy na mataas na presyo ng langis na malaking epekto sa kanilang pang-araw-araw na pasada at kinikita.

Kaya naman ikinatuwa ng mga tricycle driver ang rollback sa presyo ng gasolina sa Martes, dahil malaking tulong umano ito sa kanilang gastusin.

Ngunit para naman sa mga jeepney driver, hindi sapat ang inaasahang rollback sa presyo ng diesel, lalo na kung ikukumpara sa malalaki ring naging taas-presyo nito nitong mga nakaraang linggo.

--Ads--

Sa panayam kay Rex Bautista, isang jeepney driver sa Bonuan Gueset, dito sa lungsod ng Dagupan, sinabi nitong halos wala na silang naiuuwi sa kanilang pamilya dahil sa mahal na diesel.

Aniya, kapag mahina ang pasada, umaabot na lamang sa ₱200 hanggang ₱300 ang naiuuwi niya sa isang buong araw. Kapag naman medyo malakas ang pasada, nasa ₱500 hanggang ₱700 ang pinakamataas niyang kinikita.

Para kay Bautista, kulang ang inaasahang rollback dahil maliit lamang ang ibabawas kumpara sa laki ng naging pagtaas sa presyo ng diesel.

Samantala, ikinatuwa naman ni Ronnie Villasor, isang tricycle driver sa parehong barangay, ang nakatakdang rollback sa gasolina. Ngunit sa kabila nito, sinabi niyang mahina pa rin ang kanilang pasada dahil marami sa mga pasahero ang mas pinipiling sumakay ng jeepney.

Sa kabila ng inaasahang rollback, nananatiling malaking hamon para sa mga tsuper ang mataas na presyo ng langis at ang paghina ng kanilang kinikita sa bawat araw ng pamamasada.