Patuloy na pagmahal ng mga bilihin at mga problema sa sistema ng edukasyon ang tinukoy na pangunahing mitsa ng panibagong bugso ng mga protesta sa France.
Sa panayam kay Vladelyte Valdez, Bombo International News Correspondent sa France, inaasahan umano ang panibagong bugso ng mga protesta mula Oktubre 30 hanggang Disyembre 4 kabilang ang pagkilos ng mga Yello Vest sa katapusan ng buwan.
Dagdag pa ni Valdez, kabilang umano sa mga dahilan ang isyu hinggil sa kakulangan ng mga guro at pasilidad at mataas na pamantayan sa pagpili ng mga mag-aaral bilang hakbang sa maagang pagtatakda sa mga kabataang may edad na 14 batay sa kanilang magiging direksyon na tinuturong nagbibigay ng matinding stress sa mga estudyante.
Kaugnay nito, inaprubahan ng French Senate ang panukala sa pagpaanagot sa gastusin ng mga mahuhuling naninira o nagsusunog sa panahon ng protesta at bagama’t hindi pa ito batas ay may mga mamamayan nang hindi sang-ayon sa nasabing hakbang dahil ayon sa kanilang kultura, naniniwala silang isang mahalagang paraan ng pagpapahayag ng pagkadismaya ang pagrarali sa lansangan.
Bukod dito, itinuturing ding panibagong isyu ng publiko ang usapin sa kalakaran ng buwis sa bansa dahil sa mabigat na pasahin ng pagbabayad ng buwis ang nakapataw sa mga middles class habang mas nakatatanggap ng tax break at insentibo mula sa pamahalaan ang mga mayayaman.
Binanggit din ni Valdez na nakadaragdag sa paglaki ng inflation sa bansa ang pagkakaugnay nito sa pandaigdigang sigalot na kinasasangkutan ng Iran at Estados Unidos at ang nasabing pagkilos ay hindi lamang para sa kapakanan ng mga kabataan kundi isa ring pahayag ng panawagan kontra korapsyon, kawalan ng pagkakapantay-pantay at pag-asa sa pamumuno ni kasalukuyang French President Emmanuel Macron.










