Hinikayat ng Pangasinan Public Employment Service Office (PESO) ang mga naghahanap ng trabaho na pagbutihin ang kanilang paghahanda, kakayahan at asal upang mapataas ang posibilidad na matanggap sa inaaplayang posisyon.

Ayon kay Wilfreda Vicente, Labor Employment Officer III ng Pangasinan PESO, isa sa mga hamon sa job application ang pagkakaroon ng pagkakataong matawagan ng iba’t ibang kompanya o ahensiya, kaya mahalagang matukoy ng aplikante kung aling trabaho ang higit na angkop sa kaniyang interes at layunin.

Binigyang-diin ni Vicente ang kahalagahan ng paghahanda sa sarili bago sumailalim sa panayam, face-to-face man o virtual. Kabilang dito ang pagiging handa at presentable, gayundin ang pagkakaroon ng maayos na resume at kumpletong mga dokumentong kailangan sa pag-aaplay.

--Ads--

Bukod sa mga kwalipikasyon at kakayahan, mahalaga rin umano ang pagkakaroon ng magandang asal at positibong pag-uugali. Ayon kay Vicente, maaaring matutuhan ang mga kasanayang kailangan sa trabaho, ngunit mahalaga ring maipakita ng aplikante ang disiplina, pakikisama at kahandaang matuto.

Pinayuhan din niya ang mga job seeker na huwag panghinaan ng loob kapag hindi natanggap sa unang pag-aaplay. Aniya, mahalagang patuloy na sumubok at hanapin ang trabahong angkop sa kanilang kakayahan at interes.

Hinikayat din ni Vicente ang mga aplikante na patuloy na paunlarin ang kanilang kaalaman sa pamamagitan ng pagdaragdag ng hard skills at soft skills, kabilang ang pagsali sa mga online training at iba pang programang makatutulong sa kanilang paghahanda sa trabaho.

Binigyang-diin niya na bukod sa sipag, tiyaga at disiplina, kailangan din ang pagiging madiskarte at matatag sa pagharap sa mga hamon ng paghahanap ng trabaho. Hinikayat niya ang mga job seeker na huwag sumuko, patuloy na pagbutihin ang sarili at panatilihin ang pananampalataya habang nagsisikap na makamit ang kanilang layunin.