Nasabat ng mga awtoridad ang walong kahon na naglalaman ng 400 ream ng hinihinalang hindi nabuwisang Blackhawk cigarettes, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱280,000, sa isinagawang checkpoint operation sa Barangay Coliling, San Carlos City, Pangasinan.
Ayon kay PLTCOL Lawrence Keith D. Calub, Officer-in-Charge ng San Carlos City Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y pagbiyahe ng mga smuggled na sigarilyo gamit ang isang kulong-kulong.
Agad na naglatag ng checkpoint ang mga awtoridad sa Barangay Coliling. Ilang minuto matapos maitatag ang checkpoint, dumaan ang naturang sasakyan ngunit umano’y biglang nag-speed off nang sitahin ng mga operatiba. Nahabol naman ang driver makalipas ang humigit-kumulang isang daang metro.
Sa isinagawang inspeksyon, nakita ang mga kahon ng Blackhawk cigarettes. Napansin din umano na wala itong nakikitang BIR tax stamp, graphic health warning, manufacturer address at barcode, habang hindi rin nakapagpakita ang driver ng mga dokumentong magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at transportasyon ng mga sigarilyo.
Samantala, isinagawa sa lugar ang pagmamarka, pag-iimbentaryo at pagkuha ng larawan sa mga nasabat na sigarilyo sa presensya ng suspek at isang barangay kagawad bilang saksi.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng San Carlos City Police Station kaugnay ng nasabat na mga sigarilyo, habang hinihintay ang beripikasyon mula sa Bureau of Internal Revenue upang matukoy ang mga posibleng paglabag sa batas.
Ayon sa pulisya, regular silang nagsasagawa ng random at madalas na inspection bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo at iba pang smuggled items.
Samantala, nanawagan si Calub sa publiko na huwag tangkilikin ang mga smuggled na sigarilyo, hindi lamang dahil hindi nababayaran ang kaukulang buwis ng mga ito, kundi dahil hindi rin tiyak ang mga materyales na ginagamit sa paggawa ng ilang pekeng o ilegal na produkto.
Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad upang matukoy at mapanagot ang mga sangkot sa pagdadala at pagpapalaganap ng mga hindi awtorisadong produktong tabako sa komunidad.









