Mas pinalakas pa ng lokal na pamahalaan at ng mga katutubong lider sa bayan ng San Nicolas ang pagpapatupad ng mga ordinansang nagtatanggol sa ancestral domain, nagpapatibay sa customary justice system, at nangangalaga sa kalikasan.

Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng Indigenous People Month ngayong buwan ng Oktubre sa ilalim ng temang “Timpuyog para ti karbengan, Kultura ken Masakbayan ti Daga a nainsigudan” o Pagkakaisa para sa karapatan, kultura, at kinabukasan ng katutubong lupain.

Sa panayam kay Felixfrey Lorenzo, Municipal Mandatory Representative ng IPs o IPMR sa San Nicolas, ibinahagi nitong nakiisa ang kanilang mga lider sa Regional IP Festivity sa bayan ng Sison noong Oktubre 8.

Ayon kay Lorenzo, bagamat may higit 2,300 na mga katutubong Kalanguya, Iwak, at Ibaloy ang naninirahan sa ancestral domain sa mga Barangay ng Malico at Fianza, tinatayang umaabot sa higit 5,000 ang kabuuang populasyon ng mga IP sa buong bayan kasama ang mga nasa lowland barangays.

Samantala, ipinagmalaki ni Lorenzo ang pagpapatupad ng Ordinance No. 213 na nagpapatibay sa Justice System at kultura ng mga katutubo.

Sa ilalim nito, dapat munang idulog sa mga tribal leaders ang anumang alitan sa komunidad bago ito dalhin sa regular na korte.

Naipasa rin ang Ordinance No. 114 para sa wildfire prevention sa mga kabundukan tuwing tag-araw na may nakalaang pondo mula sa MENRO.

Muli namang nagpaalala si Lorenzo laban sa pagbebenta at pangangamkam ng mga katutubong lupain o ancestral domain ng ilang dayong negosyante, alinsunod sa IPRA Law.

Tiniyak ng opisyal na patuloy nilang hihigpitan ang regulasyon at proteksyon sa lupain ng kanilang mga ninuno.

Sa pangkalahatan, ang pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month sa San Nicolas ay hindi lamang isang seremonya, kundi isang patunay ng patuloy na paninindigan ng pamahalaang lokal at ng mga tribal leaders na protektahan ang lupain ng kanilang mga ninuno.

Sa tulong ng mga naipasang ordinansa at aktibong pakikilahok ng mga katutubo sa pamahalaan, patuloy na naipaglalaban ang kanilang karapatan habang pinapanatili ang kaayusan, kalikasan, at mayamang kultura ng mga IP sa bayan.