Mananatiling ipinagbabawal ang pagtatayo at pagpapatakbo ng mga pagawaan ng paputok sa Dagupan City, kasunod ng mga naitalang insidente ng pagsabog sa ilang barangay sa lungsod.
Ito ang paglilinaw ni Atty. Joey Tamayo, legal expert at chairman ng Committee on Laws, Ordinances and Judiciary ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan.
Ayon kay Tamayo, may umiiral na ordinansa na nagbabawal sa paggawa ng paputok sa lungsod, at kasalukuyan ding pinag-uusapan ang mga ordinansang may kaugnayan sa pagbebenta ng mga ito.
Ipinaliwanag niyang bagama’t ipinagbabawal ang paggawa ng paputok sa Dagupan, pinag-aaralan naman ng mga kinauukulang ahensiya ang posibilidad na magtalaga ng isang bukas at ligtas na lugar kung saan maaaring ibenta ang mga legal na paputok.
Kabilang sa mga inaasahang makikibahagi sa pagpaplano ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), at City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).
Layunin ng hakbang na matukoy ang angkop na lugar para sa pagbebenta ng mga paputok upang maiwasan ang panganib sa publiko, lalo na sa panahon ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Binigyang-diin ni Tamayo na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapatakbo ng mga pagawaan ng paputok sa loob ng lungsod.
Ayon sa kanya, maaaring ipasara ang mga pagawaan na lalabag sa ordinansa at managot ang mga may-ari alinsunod sa itinakdang parusa.
Nilinaw din ng konsehal na kahit may lisensiya o permit mula sa pambansang ahensiya ang isang aplikante, hindi ito awtomatikong nagbibigay ng pahintulot upang magtayo o magpatakbo ng pagawaan ng paputok sa Dagupan.
Ayon kay Tamayo, may mga indibidwal umanong lumalapit sa kanilang tanggapan upang magtanong kung maaari silang magpatakbo ng pagawaan dahil mayroon silang kaukulang lisensiya mula sa pambansang pamahalaan.
Subalit iginiit niyang kailangang sumunod ang mga ito sa umiiral na lokal na ordinansa, at hindi magbibigay ng pahintulot ang alkalde para sa pagpapatakbo ng naturang mga pagawaan sa lungsod.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga interesadong magnegosyo na humanap ng ibang lugar na nagpapahintulot sa naturang aktibidad, alinsunod sa mga lokal at pambansang regulasyon.










