Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang mga hakbang laban sa banta ng African Swine Fever (ASF) sa pamamagitan ng pagpapatupad ng temporary restriction sa pagpapasok ng mga karneng baboy na nagmumula sa labas ng bayan.

Sa panayam kay Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario, sinabi nitong layunin ng nasabing hakbang na mapangalagaan ang kasalukuyang Swine Multiplier and Repopulation Program ng Department of Agriculture (DA) na ipinagkaloob sa kanilang bayan.

Ayon sa alkalde, malaki ang naging epekto ng ASF sa mga hog raisers sa Manaoag noong mga nakaraang taon kaya’t nakatutok ngayon ang pamahalaan upang hindi na muling makapasok ang sakit.

Saad nito na nasa mahigit 600 apektadong residente noon ang naabutan ng ayuda at tulong-pinansyal sa ilalim ng repopulation initiative.

Binigyang-diin ni Rosario na may standing order na sa Municipal Agriculture Office at sa dalawang meat inspectors ng bayan na mag-ikot at mag-spot check sa pampamilihang bayan at mga pribadong meat shop.

Dagdag pa ng alkalde, nananatiling ASF-free ang bayan ng Manaoag sa kasalukuyan.

Gayunman, nakahanda na ang Manaoag Municipal Police Station (PNP) na maglagay ng dagdag na border control checkpoints sakaling tumindi ang pangangailangan.

Nanawagan din ang alkalde sa mga barangay at mamamayan na maging mapagmasid at agad iulat sa mga awtoridad kapag may nakitang kaduda-dudang pagbibiyahe o pagpapasok ng mga baboy at karne sa kanilang lugar.