Ayon kay Atty. Gerald D. Gallardo, provincial director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Pangasinan, wala pang nakikitang pangangailangan para sa agarang interbensiyon ng gobernador sa usapin sa pamahalaang lokal ng Urdaneta City dahil maayos naman umano ang takbo ng transisyon.

Wala pa umanong inilalabas na direktiba si Pangasinan Governor Ramon V. Guico III kaugnay ng isyu, at wala pa rin silang naging pag-uusap ng gobernador hinggil dito. Sa pananaw ni Gallardo, posibleng hinihintay lamang ng gobernador ang mga susunod na hakbang ng mga kinauukulan sa lungsod.

Maaari lamang umanong kumilos ang gobernador kung hihingi ng gabay o tulong ang pamahalaang lokal ng Urdaneta, na isang component city ng lalawigan at saklaw ng kanyang kapangyarihang superbisyon.

Nanawagan din si Gallardo sa mga opisyal at iba pang sektor sa Urdaneta na makinig sa mga kinauukulang awtoridad at sa mga may sapat na kaalaman sa usapin.

--Ads--

Bagama’t iginagalang ang magkakaibang pananaw, hinimok niya ang lahat na iwasang magpalala ng tensiyon at sa halip ay hintayin ang mga susunod na hakbang.

Binigyang-diin din niya na may mga angkop na ahensiya na maaaring lapitan ng mga lokal na opisyal para sa gabay sa pagharap sa sitwasyon. Kaugnay nito, may mga legal na remedyo rin si Mayor Rammy E. Parayno at ang mga sinibak na miyembro ng Sangguniang Panlungsod, kabilang ang bise alkalde.

Ayon kay Gallardo, nararapat na hintayin ang magiging tugon ng Office of the Ombudsman o ng kinauukulang tribunal sa anumang mosyon para sa muling pagsasaalang-alang o apela na ihahain ng mga apektadong opisyal.

Tiniyak naman ng DILG na igagalang at ipatutupad nito ang magiging desisyon o kautusan ng kinauukulang awtoridad, kabilang ang anumang pagbabago sa naunang pasya.