Nagsama-sama ang mga lokal na pamahalaan, kolehiyo at unibersidad, at pribadong sektor sa kauna-unahang Sustainable Development Goals (SDGs) Localization Conference 2026 sa Lingayen, Pangasinan upang palakasin ang pagtutulungan para sa pangmatagalang kaunlaran ng mga komunidad.

Bitbit ang temang Bridging Communities and Institutions for Sustainable Futures, layunin ng kumperensiya na iugnay ang mga layunin ng SDGs sa aktuwal na pangangailangan at hamon ng mga komunidad sa lalawigan.

Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga pananaliksik, kaalaman at karanasan, nabuksan ang mga pagkakataon para sa mas malawak na kolaborasyon ng mga lokal na pamahalaan, institusyong pang-edukasyon at pribadong sektor sa pagbuo ng mga programang tutugon sa mga pangangailangan ng mga Pangasinense.

--Ads--

Pinangunahan ang aktibidad ng Center for Pangasinan Studies (CPS), sa pangunguna ni Executive Director Dr. Perla E. Legaspi, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, Pangasinan Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) at Pangasinan Polytechnic College (PPC).

Binigyang-diin ni Provincial Administrator Manuel Luis Jr., bilang kinatawan ni Governor Ramon V. Guico III, ang patuloy na suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga programa at inisyatibang naglalayong mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga residente at maisulong ang napapanatiling pag-unlad ng Pangasinan.

Inaasahang magsisilbing daan ang naturang kumperensiya upang mapalakas ang ugnayan ng mga institusyon at komunidad at maisalin sa mga konkretong programa at proyekto ang mga layunin ng SDGs sa lalawigan.