Lumakas pa ang binabantayang Super Typhoon Rosal sa loob ng Philippine Area of Responsibility o PAR ayon sa state weather bureau DOST-PAGASA nitong Martes ng gabi.
Huling namataan ang mata ng Super Typhoon Rosal sa 1,110 km sa silangan ng Central Luzon o 1,150 km sa silangan ng Northern Luzon kung saan may taglay itong hangin na 215 km/h at may bugsong umaabot sa 265 kilometro kada oras.
Gumagalaw ang bagyo sa bilis na 30 km/h tungong kanluran hilagang-kanluran at inaasahang lalapit sa Extreme Northern Luzon bandang Huwebes o Biyernes nitong linggo bago ang inaasahang tuluyang paglabas nito sa PAR sa Biyernes ng gabi o Sabado ng madaling araw.
Bagama’t hindi naman ito tatama sa bansa, itinaas naman na ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa ilang lugar sa Luzon tulad ng Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands (Babuyan Islands, Camiguin Islands, Didicas Islands), kabilang ang silangang bahagi ng mainland Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-lo, Santa Teresita, Camalaniugan, Aparri, Buguey, Gattaran, Bagao, Peñablanca).
Itinaas na rin ang signal no. 1 sa hilagang-silangang bahagi ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan, San Pablo, Santa Maria, Tumauini, Ilagan City), kasama naman ang hilagang-silangang bahagi isla ng Catanduanes (Pandan, Bagamanoc, Panganiban, Viga, at Gigmoto).
Samantala, patuloy naman ang pagtutok ng ahensiya ng PAGASA sa super bagyo habang pinag-iingat at pinaghahanda ang lahat hinggil sa mga pag-ulang dala nito sa bansa.










