Magbabawas ng tauhan ang embahada ng South Korea sa Ukraine kasunod ng pagkadismaya nito sa tugon ng Kyiv hinggil sa pagsasapubliko ng pag-transer ng prisoners of war (POW) mula sa North Korea, ayon sa Ministry of Foreign Affairs ng South Korea nitong Martes.
Ayon kay ministry spokesperson Park Doo-soon, nakukulangan aniya ang Seoul sa tugon ng Kyiv sa kabila ng patuloy na pakikipagpalitan ng dalawang panig.
Kaugnay ito ng usapin ng pagsasapubliko ni Ukraine President Volodymyr Zelenskyy sa pag-transfer nito sa dalawang North Korean na sundalo sa South Korea — bagay na ikinadismaya ng Seoul.
Ayon kasi rito, hindi dapat isinasapubliko ang mga nasabing bagay at nananatili dapat na kumpidensyal upang masigurado ang kaligtasan ng mga pamilya ng mga nasabing sundalo sa North Korea.
“This measure was taken because we judged it necessary to facilitate an amicable resolution of the issue and restore trust between the two countries,” saad ni Park.
Hindi idinetalye ni Park ang bilang mga aalis na tauhan ng embahada ngunit ayon naman dito, mananatili ang charge d’affaires upang pangasiwaan ang diplomasiya nito, kasama ang buong consular staff para sa kaligtasan ng mga South Korean nationals sa kalagitnaan ng banta ng air strikes sa Ukraine.










