Hinimok ng Federation of Free Workers (FFW) ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang para protektahan ang mga manggagawang Pilipino laban sa posibleng epekto ng Super El Niño, sa halip na umasa lamang sa mga labor advisory at gabay sa kaligtasan.

Sa panayam kay Julius Cainglet, vice president ng FFW, sinabi niyang magandang hakbang ang planong paglalabas ng DOLE ng mga labor advisory, ngunit hindi ito sapat upang matugunan ang mga panganib na dulot ng matinding init sa mga lugar ng trabaho.

Ayon kay Cainglet, naglabas na rin ng mga paalala tungkol sa heat stress noong nakaraang taon, ngunit kailangan nang palakasin ang mga polisiya upang higit na mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa.

Iminungkahi niyang isaalang-alang ang pagsususpinde ng trabaho sa mga oras na sukdulan ang init, katulad ng mga hakbang na ipinapatupad kapag may bagyo, pagbaha, o iba pang kalamidad.

Isa sa mga pangunahing panawagan ng FFW ang pagkakaroon ng heat stress insurance para sa mga manggagawang nalalagay sa panganib dahil sa matinding temperatura.

Ayon kay Cainglet, matagal nang isinusulong ng kanilang organisasyon ang pag-aaral ng naturang proteksiyon sa pamamagitan ng Social Security System (SSS) at Employees’ Compensation Commission (ECC).

Iminungkahi niyang pag-aralan ang agarang pagsususpinde ng trabaho kapag umabot sa 42 hanggang 43 degrees Celsius ang temperatura, kasabay ng pagbibigay ng kaukulang kompensasyon sa mga apektadong manggagawa.

Gayunman, binigyang-diin niyang kailangan pang pag-aralan ang angkop na mekanismo upang matiyak na may sapat na proteksiyon at suportang pinansiyal ang mga manggagawa sa ganitong sitwasyon.