Iginiit ni Ruby Bernardo, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), na hindi sapat ang pagsususpinde ng klase at pagpapatupad ng alternative learning mode upang matugunan ang epekto ng matinding init sa mga mag-aaral.

Ayon kay Bernardo, may executive order umanong nakatakdang lagdaan ng Pangulo upang magkaroon ng pare-parehong patakaran sa pagsususpinde ng klase sa panahon ng matinding init.

Gayunman, iginiit niyang hindi dapat umasa lamang sa suspensiyon o alternatibong paraan ng pag-aaral ang mga paaralan. Ayon din sa ilang estudyante, maaari pa umanong maging dagdag na pasanin ang alternative learning mode, lalo na para sa mga walang sapat na kagamitan at maayos na lugar para makapag-aral sa bahay.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Bernardo ang kakulangan sa mga silid-aralan na patuloy umanong nagpapalala sa kondisyon ng pag-aaral ng mga estudyante.

Tinatayang nasa 166,000 silid-aralan ang kakulangan sa bansa, ngunit 700 lamang umano ang planong matapos ng pamahalaan. Para kay Bernardo, malayo ito sa kinakailangang bilang upang matugunan ang kasalukuyang kakulangan.

Kung seryoso ang administrasyon sa paglutas sa problema, dapat umanong tapatan o higitan nito ang 20,000 silid-aralan kada taon na naipatayo sa ilalim ng dalawang naunang administrasyon, ayon sa ACT chairperson.

Dagdag pa niya, may mga paaralang napipilitang magsagawa ng klase sa labas ng mga silid-aralan o magsiksikan ang mga mag-aaral dahil sa kakulangan ng espasyo. Kapag sinabayan pa ito ng matinding init, maaari itong magkaroon ng malaking epekto sa kalusugan, konsentrasyon at pagkatuto ng mga bata.

Dahil dito, nananawagan ang ACT na higit pa sa pagsususpinde ng klase ang maging tugon ng pamahalaan sa matinding init. Kabilang sa mga dapat pagtuunan ang pagpapahusay ng mga pasilidad sa paaralan, pagdaragdag ng mga silid-aralan at pagsasama ng edukasyon tungkol sa climate change at mga paraan ng pag-angkop dito sa pag-aaral ng mga estudyante.