Hinimok ni Geopolitical Observer Denmark Suede ang Pilipinas na manindigan at tumutol sa mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan hinggil sa mapanghamong diplomasya ng China.

Sa pahayag ni Suede, dapat umanong magbigay ng aksyon ang gobyerno upang kontrahin ang ginagawang “wolf warrior diplomacy” ng China o ang matapang na pagtatanggol ng mga diplomat ng China sa interes at reputasyon ng kanilang bansa.

Kaugnay nito, dapat umanong kontrahin ang naratibong walang pag-asa ang Pilipinas laban China at huwag magpapadala sa ganitong uri ng mapanghamong diplomasya.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Suede na walang mangyayari sa diplomatic protest kung walang kasunod na konkretong aksyon.

Dahil dito, iminungkahi niyang dapat magkaroon ng edukasyon sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa bansa hinggil sa karapatan sa West Philippine Sea.

Matatandaang ang usaping ito ay kaugnay sa iringan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea kung saan kamakailan lamang ay pinalagan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag ni Quan ukol sa bantang paggamit ng puwersa ng China para talunin ang Pilipinas.