Ipinaliwanag ni Julius Benagua, technical spokesperson ng Samahang Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA), ang pagkakaiba ng fishkill at gataw, dalawang penomenong maaaring makaapekto sa kalusugan at kaligtasan ng mga isda sa mga palaisdaan at katubigan.

Ayon kay Benagua, ang mass mortality ay tumutukoy sa maramihang pagkamatay ng mga isda sa loob ng isang panahon. Maaari itong maiugnay sa pagkalat ng sakit, kontaminasyong kemikal, viral disease, o fishkill na dulot ng pagbaba ng antas ng dissolved oxygen sa tubig at iba pang suliraning pangkapaligiran.

Samantala, ang gataw ay nangyayari kapag bumababa ang antas ng oxygen sa tubig, dahilan upang umahon ang mga isda sa ibabaw at maghanap ng hangin. Ayon kay Benagua, palatandaan ito na kulang na ang oxygen na kailangan ng mga isda upang mabuhay.

--Ads--

Ipinaliwanag ni Benagua na kabilang sa mga posibleng sanhi ng gataw ang pagkasira ng kalidad ng tubig dahil sa pagdami ng basura at dumi ng mga isda, gayundin ang sobrang paggamit ng feeds sa mga palaisdaan.

Maaari ring makaapekto ang pabago-bagong kondisyon ng panahon at temperatura ng tubig. Ang biglaang pag-init o paglamig ng tubig ay maaaring magdulot ng stress sa mga isda at makaapekto sa kanilang kalusugan.

Isa rin sa mga binigyang-diin ni Benagua ang overstocking o sobrang dami ng isdang inaalagaan sa isang palaisdaan. Kapag masyadong siksikan ang mga isda, tumataas ang pangangailangan sa oxygen at dumarami ang naipong dumi sa tubig.

Dagdag pa rito, kapag hindi maayos ang daloy ng tubig, maaaring maipon sa ilalim ng palaisdaan ang mga dumi at sobrang feeds na nakaaapekto sa kalidad ng tubig at antas ng oxygen.

Dahil dito, mahalagang mapanatili ang wastong kalidad ng tubig, maayos na sirkulasyon nito, at angkop na dami ng isda sa bawat palaisdaan upang mabawasan ang panganib ng gataw at iba pang insidenteng maaaring magresulta sa pagkamatay ng mga alagang isda.