Maituturing na isang brilliant move ng House prosecution panel ang pag-atras nito sa tatlo sa apat na impeachment articles laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert.
Ayon kay Cera, hindi inaasahan ang naging hakbang ng prosecution, ngunit posibleng layunin nitong ituon ang paglilitis sa natitirang artikulo sa halip na magkahiwalay na patunayan ang apat na alegasyon.
Naniniwala rin ang abogado na maaaring kumpiyansa ang prosecution sa dami ng ebidensiyang hawak nito kaugnay ng Article II, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth at iba pang usapin hinggil sa pagsisiwalat ng mga ari-arian at interes sa negosyo ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag ni Cera na maaari ring makaapekto sa haba ng paglilitis ang naturang desisyon, dahil kung magpapatuloy ang depensa sa paghahain ng mga testigo at dokumentaryong ebidensiya upang pabulaanan ang mga alegasyon, posibleng tumagal pa ang proseso.
Ayon sa law expert, maaaring umabot pa ng Marso ang paglilitis kung magpapatuloy ang malawakang paghaharap ng mga testigo at ebidensiya ng magkabilang panig.
Posible rin aniyang napag-aralan na ng prosecution ang magiging epekto ng kanilang hakbang kaya pinili nitong bawiin ang tatlong artikulo at ituon ang kaso sa natitirang alegasyon.
Gayunman, ang pag-atras sa tatlong artikulo ay hindi awtomatikong nangangahulugang hindi na maaaring magharap ng mga testigo at ebidensiya ang depensa. Ang magiging saklaw ng kanilang presentasyon ay nakadepende sa mga patakaran at kautusan ng Senate impeachment court.
Matatandaang pinayagan ng Senate impeachment court noong Oktubre 13, 2026, ang kahilingan ng House prosecution panel na bawiin ang tatlo sa apat na Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Kabilang sa mga binawing artikulo ang mga alegasyon hinggil sa paggamit ng confidential funds, bribery, at grave threats. Mananatili naman ang Article II, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth at iba pang usapin kaugnay ng pagsisiwalat ng mga ari-arian at interes sa negosyo.
Ayon sa prosecution panel, sapat ang ebidensiyang iniharap nito kaugnay ng natitirang artikulo upang ipagpatuloy ang paglilitis.










