Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang mosyon para sa muling pagrepaso ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, o Guo Hua Ping, kaugnay ng kanyang petisyon para sa writ of habeas corpus.

Sa desisyong inilabas noong Oktubre 5, sinabi ng CA na hindi angkop ang naturang petisyon upang kuwestiyunin ang pagkakakulong ni Guo.

Iginiit ni Guo na ilegal ang kanyang pag-aresto ng Bureau of Immigration (BI) at kuwestiyonable ang deportation proceedings laban sa kanya.

Gayunman, nilinaw ng korte na kasalukuyan siyang nakapiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong dahil sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court, at hindi sa utos ng BI.

Ayon sa CA, maaari pa ring gamitin ang writ of habeas corpus matapos ang hatol sa mga pambihirang pagkakataon, gaya ng paglabag sa mga karapatang konstitusyonal. Subalit, walang nakitang alegasyon o patunay na nilabag ang karapatan ni Guo sa mabilis na paglilitis at kalayaan.

Si Guo ay nahatulan sa kasong qualified human trafficking na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Bamban, Tarlac.

Binigyang-diin ng CA na mahalagang protektahan ang mga karapatang konstitusyonal, ngunit hindi dapat gamitin ang writ upang basta pawalang-bisa ang legal na pagkakakulong na iniutos ng korte.