Opisyal nang nagpaalam sa larangan ng Bare Knuckle Boxing (BKB) ang British fighter na si Scott McHugh kasunod ng kaniyang pagkatalo sa katatapos lamang na laban nitong Oktubre 11 sa Utilita Arena.

Sa kaniyang pahayag matapos ang 23 na laban at 83 rounds nang bare knuckle boxing sa sport, nagpaabot ng pasasalamat si McHugh sa kaniyang huling nakatapat na si Rolando Dy at tinawag itong pinakamagaling na 69kg fighter sa buong mundo.

Napanatili kasi ng Filipino standout na si Dy ang kaniyang BKB super welterweight title matapos niyang pataubin ang 5-time champion na si McHugh sa ikatlong round ng kanilang sagupaan.

--Ads--

Dominado ni Dy ang buong laban kung saan tatlong beses niyang pinalagpak sa canvass ang British fighter sa ikalawang round bago ito tuluyang tinapos ng isang agresibong left hook sa 2:15 mark ng third round.

Ang tagumpay na ito ang nag-angat sa rekord ng anak ng dating WBC champion na si Rolando Navarrete sa pitong panalo at isang talo habang pinalawig pa ang kaniyang paghahari sa BKB division.