Hindi bababa sa 30 katao ang nasawi habang 18 ang nasugatan sa isang pag-atake gamit ang glide bomb ng Russia laban sa dalawang sibilyang bus sa lungsod ng Kramatorsk, isang lugar na nasa silangang bahagi ng front line.

Inakusahan ni Vadym Filashkin, pinuno ng rehiyon ng Donetsk, ang Russia na sadyang pinuntirya ang mga bus na may sakay na mga pasahero upang pumatay ng pinakamaraming sibilyan.

Ang Kramatorsk at kalapit na Slovyansk ay bahagi ng tinatawag na “fortress belt” na sinisikap sakupin ng Moscow bilang bahagi ng pag-angkin ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia sa buong industriyal na rehiyon ng Donbas ng Ukraine.

Samantala, sinabi ni Pangulong Volodymyr Zelensky ng Ukraine na hindi lilipas ang pag-atakeng ito nang wala silang tugon.

--Ads--

Makikita sa mga larawang inilabas ang nasusunog na metal na katawan ng bus, kasama ang mga kalat na debris at ilan sa mga biktima sa kalsada.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Moscow tungkol sa pinakahuling pag-atake.