Nananatiling red zone ang Mapandan, Pangasinan sa ilalim ng zoning classification para sa African Swine Fever o ASF, habang patuloy na mino-monitor ng Municipal Agriculture Office ang kalagayan ng mga nag-aalaga at nagbebenta ng baboy sa bayan.
Regular ang isinasagawang monitoring sa mga backyard raiser at trader, kabilang ang pag-iinspeksyon sa mga lugar na itinuturing na entry point ng mga baboy at pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police para sa animal quarantine checkpoints.
Mahalaga rin ang pagsusuri sa mga baboy bago dalhin sa slaughterhouse, lalo na sa kanilang kondisyon at pinanggalingan. Ayon sa Municipal Agriculture Office, isinasagawa rin ang blood sampling sa ilang lugar bilang bahagi ng hakbang upang matukoy kung maaari nang maiangat ang kasalukuyang zoning classification ng bayan.
Patuloy naman ang paghihigpit sa monitoring at pagsusuri sa mga baboy na ipinapasok at kinakatay sa Mapandan, kasabay ng koordinasyon ng Municipal Agriculture Office sa Provincial Veterinary Office, Bureau of Animal Industry at iba pang kinauukulang ahensya.
Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga alagang baboy at mapigilan ang posibleng pagkalat ng ASF sa iba pang lugar. Paalala naman sa mga nag-aalaga at bumibili ng baboy na tiyaking maayos ang kondisyon at malinaw ang pinanggalingan ng mga hayop bago ito bilhin o iproseso.










