Hiniling ng prosecution sa International Criminal Court o ICC na ibasura ang mosyon ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte na limitahan sa 10,000 items ang ebidensyang isiniwalat sa crimes against humanity case laban sa dating pangulo.

Ayon sa prosecution, makatwiran at may kaugnayan sa kaso ang dami ng ebidensya dahil mahalaga ito sa pagpapatunay sa mga partikular na insidente at sa mas malawak na konteksto ng umano’y crimes laban sa mga sibilyan.

Itinanggi rin nito ang paglalarawan ng depensa sa disclosure bilang “Dumping of documents.”

--Ads--

Sa mosyon ng depensa, sinabi nitong lumaki ang evidence disclosure mula 5,275 items noong confirmation phase sa mahigit 62,000 items, kabilang ang higit 320,000 pages ng dokumento at mahigit 1,000 audio-visual materials.

Iminungkahi ng depensa ang pagbuo ng bagong case record na hindi lalampas sa 10,000 items upang mapanatili ang November 30 trial date.

Iginiit naman ng prosecution na maaaring maalis dito ang mga materyal na ebidensyang mahalaga sa paghahanap ng katotohanan.

Nanatiling nakatakda sa November 30 ang pagsisimula ng trial ni Duterte, na nasa kustodiya ng ICC sa the Hague, Netherlands, mula Marso 2025.